Dumagdag na rin si 1-RIDER PL Rep. Bonifacio Bosita sa mga nagpapa-imbestiga sa implementasyon at umano’y mga butas sa No Contact Apprehension Policy o NCAP.
Sa inihaing House Resolution 236 ni Bosita ay inaatasan ang House Committees on Transportation at Metropolitan Manila Development (MMDA) na magsagawa ng pagsisiyasat “in aid of legislation” ukol sa mga reklamo ng mga drayber, operators at may-ari ng mga pampubliko at pribadong sasakyan laban sa NCAP.
Kinuwestyon din ni Bosita ang pagpapataw ng nakapataas na halaga ng parusa o multa ng iba’t ibang lokal na pamahalaan na tatlong beses na mas malaki kumpara sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Kumbinsido si Bosita, na maituturing na marangal ang mga layunin ng NCAP, tulad ng pagtuturo ng disiplina sa mga motorista, pagbawas sa masikip na daloy ng trapiko at mga aksidente sa kalsada at upang mabawasan din ang mga alitan sa pagitan ng traffic enforcers at mga drayber.
Pero giit ni Bosita, mas dapat isaalang-alang ang “constitutional rights” o mga kaparatan naman ng mga motorista.
Sa tingin ni Bosita, mainam na repasuhin ang implementasyon ng NCAP para maitama ang mga sinasabing mali rito at magkaroon ng komprehensibong “traffic management system” na magbibigay-proteksyon sa mga karapatan ng mga motorista.