Isa pang Kumpirmadong Kaso ng COVID-19 sa Region 02, Naitala!

Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ni DOH OIC Director III Dr. Leticia Cabrera na may isang (1) bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon dos.

Ito ay isang 60 taong gulang na lalaki, isang magsasaka mula sa Bayan ng Baggao sa probinsya ng Cagayan.

Siya ay nakaranas ng pag-ubo noong ika-20 ng Abril kung saan kanya itong ipinakonsulta noong ika-23 ng Abril.


Sa kasalukuyan, siya ngayon ay nasa pangangalaga ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Sa ibinahaging impormasyon ng PIA Region 02, siya ay walang kasaysayan ng paglalakbay sa mga lugar na mayroong positibong kaso ng COVID-19 at hindi rin nagkaroon ng pagkakasalamuha sa sinumang nagpositibo sa COVID-19.

Masusing sinusuri ang lahat ng maaring pinagmulan ng pagkakahawa sa pasyente bilang panimula sa pinaigting na proseso ng contact tracing, at kasalukuyan tinutunton ang lahat ng posibleng nakasalamuha ng pasyente.

Ang DILG, katuwang ang PNP at ang DOH sa pamamagitan ng ating Regional Epidemiology and Surveillance Unit, kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Lokal na Pamahalaan ng Baggao, ay nagtutulong tulong upang maisagawa ang contact tracing, nang agarang matukoy ang naging “close contacts” ng pasyente.

Ibabahagi ng DOH ang patient code nito kapag natanggap na ito mula sa RESU.

Sa kabuuan, nakapagtala ang rehiyon ng 31 na CONFIRMED CASES kung saan 26 na dito ang nag-negatibo sa sakit at isa ang nasawi.

Facebook Comments