Isa pang opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang nagbitiw sa pwesto ngayong araw.
Ito ay si Atty. Roland Beltran, isa sa miyembro ng sugar regulatory board na sangkot sa iligal na pagpapalabas ng SRA no. 4 para makapag-angkat sana ng 300,000 metriko tonelada ng asukal na pinigil ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Isinumite ni Beltran ang kaniyang resignation letter kay Executive Secretary Victor Rodriguez kahapon, August 14, sa pamamagitan ng email.
Pangunahing dahilan nito sa kaniyang pagbibitiw ay ang isyu sa kaniyang kalusugan.
Iginiit din ni Beltran na ang kaniyang pagbibitiw ay walang “prejudice” sa isinasagawang imbestigasyon sa kinukwestyong SRA no. 4.
Ayon kay Beltran, nauna na siyang nagpaalam sa SRA noon pang July 01, pero noong July 29 ay nakatanggap siya ng sulat na siya ay “holdover capacity” at noong August 1 ay muli siyang sinulatan ng SRA management para gampanan ang kaniyang trabaho.
Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang Malacañang sa pagbibitiw ni Beltran.
Noong biyernes ay nauna nang nagbitiw sa pwesto si Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian matapos na aminin na siya ang pumirma sa SRA no. 4 ng walang pahintulot ni Pangulong Marcos.