Manila, Philippines – Hinihikayat ni Deputy Assistant Majority Leader Ron Salo ang Kamara na dagdagan ang sweldong natatanggap ng mga public school teachers ngayong paggunita ng National Teachers` Day ngayong Linggo.
Giit ni Salo, dapat na isabay na rin sa umento sa sahod ng mga pulis at sundalo ang sweldo ng mga guro at ang mga DepEd personnel.
Sa House Bill 3698 na inihain ni Salo, ang mga guro na sumusweldo ng pinakamababa na Salary Grade 11 o P19,620 kada buwan ay itataas sa Salary Grade 15 o sa P27,565.
Nakasaad din sa panukala ang adjustments sa sweldo sa plantilla positions sa kada limang taon.
Paliwanag ng mambabatas, ang kasalukuyang sahod ng mga guro ay kulang pa para sa araw-araw na gastusin ng isang pamilya.
Kung maaaprubahan agad ang panukala ni Salo ay makakahikayat ito para hindi na mag-abroad ang mga guro at dagdag motivation na rin sa mga public school teachers para sa pagbibigay ng de kalidad na edukasyon.