Inihain sa Kamara ang isa pang resolusyon na nagpapaimbestiga sa umano’y hacking sa server ng IT system ng Commission on Elections (Comelec).
Bagama’t nauna nang pinabulaanan ng Comelec ang isyu, iginiit ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga sa kanyang House Resolution 2436 na masilip pa rin ang napaulat na data breach sa mga gagamiting vote-counting machines (VCMs).
Mahalaga aniyang malaman ng publiko ang epekto sa integridad ng electoral process sakaling mang totoo ang hacking.
Sisilipin din sa imbestigasyon ang kabuuan sa umiiral na automated electoral process kung saan susumahin ang kalakasan, kahinaan, at kawastuhan upang matiyak ang integridad ng electoral process.
Importante rin aniyang matukoy kung sa mga nakalipas na panahon ay tinugunan ng Comelec ang mga naging hamon na dala ng paglipat sa automated electoral process.