Nadagdagan pa ang mga inihaing resolusyon sa Kamara na nagpapa-imbestiga sa smuggling ng mga produktong agrikultura sa bansa.
Inaatasan sa House Resolution 2477 na inihain ni Deputy Speaker Deogracias Savellano ang House Committees on Agriculture and Food, Ways and Means, Good Government and Public Accountability at iba pang kaukulang komite na magsagawa ng pagsisiyasat “in aid of legislation” patungkol sa problema ng smuggling.
Tinukoy sa resolusyon na sa gitna ng COVID-19 pandemic na sinabayan pa ng ilang kalamidad, maraming Pilipino ang naapektuhan, kabilang na ang sektor ng agrikultura na lalo pang nahihirapan dahil sa smuggling.
Batay sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), aabot ng P9 billion ang nawalang kita dahil sa mga naipupuslit na bigas, karne ng baboy, manok at mga gulay na dapat sana’y pinakikinabangan para sa pantugon sa COVID-19 pandemic.
Nalalagay rin umano sa panganib ang kalusugan ng mga consumer dahil may mga imported na produkto na walang kaukulang permit o lisensya na magpapatunay na ligtas ang mga ito para sa consumption ng mga tao.
Iginigiit sa resolusyon na panahon na para manghimasok ang Kongreso at makalikha ng batas o mga patakaran laban sa smuggling at mabigyang proteksyon ang mga magsasaka at ang consumers.