Isa pang resolusyon para imbestigahan ang PhilHealth, inihain sa Kamara

Naghain na rin ang Makabayan Bloc ng resolusyon para silipin ang mga anomalya sa PhilHealth.

Sa House Resolution 1074, inaatasan ang House Committee on Government Enterprises and Privatization na magsagawa ng pagdinig ‘in aid of legislation’ sa paglalabas ng Interim Reimbursement Mechanism Fund (IRMF) at iba pang alegasyon ng korapsyon sa loob ng ahensya.

Partikular na kinukwestyon dito ang paglalabas ng PhilHealth ng pondo sa ilalim ng IRMF para sa iba’t ibang Health Care Institutions (HCIs) noong Marso, 2020, pero nito lamang April 22, 2020 nag-isyu ang ahensya ng memorandum circular para sa standard operating procedure ng pag-accredit ng mga HCIs upang mabigyan ng financial aid ang mga ito.


Tinukoy na April 15, 2020 pa lamang ay nakapagbigay na ang PhilHealth ng P9.6 million para sa Catarman Doctor’s Hospital sa Northern Samar at P11.7 million naman sa St. Benedict Hospital sa Davao del Sur noong May 5, 2020 kahit pa hindi naman accredited HCIs sa ilalim ng IRMF ang dalawang ospital.

Una nang naghain ng resolusyon na nananawagan din ng imbestigasyon sa PhilHealth si Paranaque Rep. Joy Tambunting.

Sa Miyerkoles ay posibleng simulan na ng House Committee on Public Accounts ang pagdinig sa anomalya sa PhilHealth kung saan imbitado ang mga opisyal ng tanggapan at maging ang nagbitiw na si PhilHealth anti-fraud legal officer Thorrsson Keith.

Facebook Comments