Isa pang trainee ng PCG, patay sa training sa Cavite

Isang araw matapos ang insidente ng pagkamatay ng isang trainee ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Palawan ay kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI)na isa pang apprentice seaman ng PCG ang nasawi makaraang malunod sa training sa Cavite.

Ayon sa NBI, ang insidente ng pagkamatay ni PCG Personnel Mori Caguay ay kasalukuyang hinahawakan ng NBI-Death Investigation Division (DID)

Nagsagawa na rin ng autopsy sa mga labi ni Caguay ang NBI Medico-Legal Division (MLD) kaninang alas-6:00 ng umaga, at inihahanda na ang official autopsy report.


Matatandaang idineklarang brain dead si Caguay matapos malunod sa kalagitnaan ng ginagawang training ng Water Search and Rescue (WASAR) sa Sangley Point, Cavite City noong November 16 at na-confine pa sa San Pedro Calungsod Medical Center.

Samantala, kinumpirma rin ito ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo at nilinaw na ordinaryong training lamang ang ibinibigay sa mga trainee upang malaman ng mga ito ang pamamaraan ng pagliligtas ng buhay sa karagatan.

Nauna na ring sinuspinde ng PCG ang pagsasanay para ma-review ang protocol at program of instructions na binibigay sa mga trainee.

Facebook Comments