Isa Patay; 12 Sugatan sa Pagkahulog ng Jeep sa Kalinga

Cauayan City, Isabela- Patay ang isa sa mga pasahero habang sugatan ang labing dalawang (12) iba pa matapos mahulog ang kanilang sinasakyang jeep sa kahabaan ng pambansang lansangan sa Maraggob, Dupligan, Tanudan, Kalinga hapon ng Lunes, Hulyo 5, 2021.

Ayon sa OIC ng Tanudan Police Station na si Police Lieutenant Florand Sim, galing ang jeep sa Tabuk City at patungo sana sa Bawak nang mangyari ang aksidente.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, paakyat ang jeep sa kalsada nang biglang mawalan ito ng preno hanggang sa umatras at tuluyang nahulog sa gilid ng kalsada.


Naideklara namang dead on arrival sa ospital ang isa sa mga sakay na kinilalang si Jandy Bulawit Gallamoy, 16-anyos, residente ng Barangay Dupligan, Tanudan.

Sugatan naman ang iba pang pasahero na agad din dinala sa Kalinga Provincial Hospital at Almora General Hospital para mabigyan ng agarang paunang lunas.

Facebook Comments