2 Patay, 2 Sugatan sa Salpukan ng Motorsiklo at Tricycle!

*Echague, Isabela- *Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang lalaki matapos bumangga ang minamanehong tricycle sa kasalubong na motorsiklo pasado alas nuebe kagabi sa pagitan ng Brgy. Pagasa at Brgy. Narra, Echague, Isabela.

Kinilala ang nasawi at driver ng tricycle na si Manuel Caturan, 57 anyos, may-asawa, negosyante at residente ng Brgy Sinnabaran, Echague, Isabela habang sugatan naman ang mga pasahero nito na kinilalang sina Alberto Capisio, may-asawa, tricycle driver at si John David Caduan, 10 taong gulang, studyante, na kapwa residente ng Brgy. Sinabbaran, Echague, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Echague, habang binabaybay ng tricycle ang nasabing lansangan patungong Brgy. Pag-asa partikular sa ginagawang daan ay bigla itong bumangga sa kasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Marcial Carabbacan, magsasaka at residente Brgy. Madadamian, Echague, Isabela.


Sa tindi ng banggaan ay nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang driver ng tricycle habang sugatan naman ang mga pasahero nito maging ang driver ng motorsiklo.

Dinala naman ng mga rescuer sa pagamutan ang mga sangkot sa aksidente subalit idineklarang Dead on Arrival (DOA) si Caturan.

Nasa kustodiya na ng PNP Echague ang dalawang behikulo habang patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring insidente.

Samantala, sa pinakahuling panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Geriyel Frogoso, DCOP ng PNP Echague na binawian din ng buhay sa pagamutan ang driver ng motorsiklo  habang nilalapatan ng lunas.

Facebook Comments