Isa patay, lima sugatan sa pagkahulog ng sasakyan sa bangin sa Bontoc, Mountain Province

Isa ang nasawi habang lima ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang Mitsubishi Montero sa kahabaan ng Bontoc–Mainit Provincial Road sa Sitio Aratey, Barangay Guina-ang, Bontoc, Mountain Province, kagabi, Disyembre 28.

Lumihis sa kalsada ang sasakyan at bumulusok sa humigit-kumulang 20 metrong lalim na bangin bandang 8:30 kagabi.

Natagpuang walang malay ang 53-anyos na drayber, residente ng La Trinidad, Benguet, sa tabi ng wasak na sasakyan at idineklarang dead-on-the-spot ng Municipal Health Officer dahil sa traumatic head injury.

Agad namang dinala sa Bontoc General Hospital ang limang sugatang pasahero. Dalawa sa kanila ang pinayagang makauwi matapos mabigyan ng lunas habang tatlo ang inilipat sa Cordillera Hospital of the Divine Grace sa La Trinidad para sa karagdagang gamutan.

Nakatanggap ng distress call ang Bontoc Emergency Operations Center mula sa hotline ng Bontoc Municipal Police Station na agad naglunsad ng rescue operation, katuwang ang Bureau of Fire Protection, Bontoc Emergency Response Team, at mga boluntaryo mula sa komunidad.

Sa kasalukuyan, isinasagawa ang burol ng nasawi sa Parish Hall ng Cathedral of All Saints sa Bontoc.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente.

Facebook Comments