Isa patay sa pamamaril sa Muntinlupa City

*Muntinlupa City – *Nangangapa pa rin ang mga otoridad sa motibo sa pamamaril sa limang indibidwal na ikinasawi ng isa sa kanila habang nakikipaglamay sa Brgy. Sucat, Muntinlupa City.

Dead on the spot ang bente-uno anyos na si Aldoven Ocfemia habang sugatan naman sina Florentino Jay Cano, Charle Magne Obrero, Melvin Faisan at Rejay Mercurio, kapwa nakatira sa nabanggit na lugar.

Dahil malubha ang lagay ng biktimang si Cano, dinala ito sa Philippine General Hospital para isalang sa major operation habang ang tatlong iba pa ay patuloy na inoobserbahan sa Ospital ng Muntinlupa.


Sa inisyal na imbestigasyon, dumadalaw sa burol ng isang Cocoy Lopez ang mga biktima sa Bagong Silang Basketball Court sa Brgy. Sucat nang dumating ang dalawang salarin na magka-angkas sa motorsiklo at walang awang pinaulanan ng bala ang mga ito bago mabilis na nagsitakas.

Ayon sa nanay ni Ocfemia na si Debbie Berame, matagal nang nakakatanggap ng mga pagbabanta sa buhay ang kanyang anak sa pamamagitan ng text kung saan inaakusahan daw itong asset o informant ng mga pulis.

Katunayan, sinabi ng ginang na minsan nang sumuko sa Oplan Tokhang ng PNP ang biktima at ilang beses na ring nasangkot sa mga kaso ng panghoholdap sa lungsod.

Facebook Comments