Isa sa 2 Suspek na Namaril sa Sekyu ng ISU Cabagan, Patay sa Shootout!

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang suspek habang sugatan ang kasama nito na namaril sa head guard ng Isabela State University Cabagan Campus sa brgy.Garita, Cabagan, Isabela.

Batay sa inihayag ni PMaj. Noel Magbitang, hepe ng PNP Cabagan, dakong 10:15 noong Miyerkules ng gabi, habang nagroronda sa nasabing campus si Randy Morillo, 47 anyos ay bigla siyang pinaputukan ng baril ng riding in tandem na sina Alfredo Malabug, 60 anyos at Bernardo Lago, 42 anyos.

Agad namang dumepensa ang sekyu kaya’t pinaputukan rin ang mga suspek na sanhi ng pagkamatay ni Malabug na may-ari ng gasolinahan na malapit sa nasabing Pamantasan.


Sa isinagawang follow-up operation ng PNP Cabagan ay nadakip ang sugatang si Lago habang narekober naman ang bangkay ni Malabug.

Narekober din sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang (2) units ng M16 rifle, magazine, mga bala at isang motorsiklo na ginamit sa pamamaril.

Ayon kay PMaj Magbitang, land dispute o may kinalaman sa lupa ang tinitignang motibo sa nangyaring pamamaril.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong bigong pagpatay na isasampa laban sa nahuling suspek habang kasalukuyan namang nagpapagaling sa pagamutan ang sugatang gwardiya.

Facebook Comments