*Cauayan City, Isabela- *Kritikal pa rin ang isa sa 28 na pasahero ng elf truck na bumaliktad matapos mawalan ng preno habang paakyat sa may pakurbang bahagi ng daan na nasasakupan ng Sitio buduan, Brgy. San Pablo, Cauayan City, Isabela.
Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa PNP Cauayan, bandang alas dos ng hapon kahapon, June 2, 2019, nang pabalik mula sa Poblacion patungo ng Brgy. Linglingay ang nasabing sasakyan na minaneho ni German Tagata, 28 anyos, binata at residente rin ng Brgy. Linglingay at habang paakyat sa mataas na bahagi ng daan ay biglang pumuslit ang preno nito kaya’t hindi na umano nakontrol ang manibela at bumulusok pababa hanggang sa tuluyan nang bumaliktad.
Nagresulta ito sa pagkakasugat, bali sa ibang parte ng katawan ng mga biktimang sina Tina Joy Tejada, 14 anyos, Joy Masi, 35 anyos, Aquilina Pelerio 80 anyos, Norberto Callangan, 58 anyos, Wilma Callangan, 60 anyos at Ella Soriano na pawang nasa pribadong hospital.
Sa ngayon ay si Tina Joy Tejada na lamang ang nasa kritikal na kalagayan sa naganap na aksidente.
Kaugnay nito, nakauwi naman kahapon ang dalawamput dalawa (22) na mga pasahero matapos magtamo ng minor injury sa kanilang katawan.
Nakatakda namang sampahan ngayong araw ng kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Serious Physical Injury and Damage to Property ang driver ng elf na nasa kustodiya na ng PNP Cauayan.