Isa sa anim na lalaking sumundo sa nahuling mga Japanese national sa NAIA Terminal 2, kinasuhan na ng PNP-AVSEGROUP.

Kinasuhan na ang isa sa anim na lalaking nagpakilalang miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na sumundo sana sa dalawang Japanese national na hinuli ng Bureau of Customs (BOC) sa NAIA Terminal 2.

Sa imbestigasyon ng PNP Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), ang anim na lalaking sakay ng private vehicle na may blinker at sirena ay napag-alaman na hindi authorized na gumagamit nito.

Dahil dito, pinababa ang mga sakay nito para sa proseso ng beripikasyon kung saan isang miyembro ng BOC na noon ay nasa lugar ang nagtimbre sa kanila na isa sa mga sakay ng mga sasakyan ay naunang nagpakilalang miyembro ng PNP-CIDG.


Nang hilingin ng AVSEGROUP na ipakita ang kanyang PNP Identification card para patunayan ang kanyang claim, bigong maipresinta ng lalaki na kinilalang si Alberto Cena ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City ang nasabing ID.

Agad na dinala sa headquarters ng Aviation Security Unit-NCR si Cena at lima nitong kasamahan para sa karagdagang beripikasyon kung saan nalaman ng PNP-CIDG na si Cena ay isang ordinaryong sibilyan lamang.

Tinuluyan ng AVSEGROUP na kasuhan si Cena habang pinalaya naman ang limang kasamahan nito dahil wala umanong ligal na basehan para sampahan ng kaso.

Nauna ng nagkaroon ng girian sa pagitan ng Customs at mga nagpakilalang miyembro ng CIDG dahil sa dalawang Japanese national na galing Narita, Japan na hinuli ng Customs dahil sa dalang malaking halaga na hindi ideneklara at nagtangkang ipuslit sa bansa.

Facebook Comments