“Case closed” na ang kaso ng pamamaril sa Ateneo de Manila University na ikinamatay ng tatlong tao kabilang na si dating Lamitan City Mayor Rose Furigay.
Sa isang pahayag kinumpirma ni Quezon City Police District Director PBGen. Remus Medina na isa sa dalawang baril na bitbit ng suspek sa pamamaril ay pag-aari ng isang aktibong sundalo.
Aniya, nakapangalan ang nakuhang caliber .45 kay First Lt. Jeremie Aquino, executive officer ng 12 mechanized battalion sa Sultan Kudarat.
Ayon sa sundalo, nawala umano ang baril sa buhanginan sa Patikul, Sulu noong 2019.
Pero sa interogasyon sa suspek, inamin ni Dr. Chao Tiao Yumol na nabili umano niya ang baril sa black market pero ang isa pang baril na .9 mm ay kanyang pag-aari.
Gayunman, inimbitahan na rin ng QCPD ang nasabing sundalo para bigyang-linaw ang usapin sa narekober na baril na kanyang pag-aari.
Kahapon ay naisampa na sa piskalya ng Quezon City ang patong-patong na mga kaso laban kay Yumol.
Kabilang na ang 3 counts ng murder, isang kaso ng frustrated murder, paglabag sa RA 10883 o Anti-Carnapping Law, malicious mischief at paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.