Isa sa Hinihinalang Pinuno ng NPA, Patay sa Sagupaan ng 48th IB vs. CPP-NPA!

San Ildefonso, Bulacan- Patay ang isang miyembro ng CPP-NPA Terrorists (CNTs) sa sagupaan ng 48th IB (Guardians) at Communist Terrorist Groups (CTGs) ganap na alas otso kagabi, Marso 7, 2018 sa Brgy. Babaong Garlang, San Ildefonso, Bulacan.

Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan News Team kay 7th ID 1st LT Ahmad Matawag, Acting Civil Military Operation (CMO), isa umanong concerned citizen ang nagsuplong sa kanilang himpilan na may humigit kumulang limang armado na pinaghihinalaang kasapi ng CPP-NPA Terrorists (CNTs) ang nangingikil sa naturang barangay.

Agad namang nirespondehan ng pinagsamang 48th IB troops at San Ildefonso MPS ang nasabing hinaing na nagresulta sa limang minutong sagupaan ng kanilang tropa kontra CTGs kung saan isa sa mga kasapi ng nasabing terorista ang napatay ng batalyon.


Ang napatay ay posible umanong may mataas na posisyon sa kanilang organisasyon at narekober mula sa kanya ang isang hand grenade, isang caliber 38 pistol na may tatlong live ammunitions, isang Kawasaki motorcycle, limang cellphone at iba pa.

Sa inihayag ni Major General Santos, Commander of 7th Infantry Division, na hindi nila hahayaang may teroristang maghahasik ng kasamaan sa kanilang nasasakupan kaya’t hinikayat ng 7th ID ang mga mamamayan na makiisa sa kanilang kampanya kontra insurhensiya.

Ayon naman kay Lieutenant Colonel Arnel B Cabugon, Commanding Officer of the 48th Infantry Battalion, ang nangyaring bakbakan ng dalawang panig ay nagpapakita umanong maigting ang operasyon ng kanilang alagad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng kanilang komunidad.

Sa ngayon ay hindi muna isinapubliko ang pangalan ng napatay na NPA.

Facebook Comments