Tuluyang ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si Police Staff Sergeant Noel Alabata, ang isa sa mga itinuturong gunman sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Nagmosyon si Senator Jinggoy Estrada na bago siya umalis at kung hindi pa rin magsasabi ng katotohanan si Alabata ay ipa-cite in contempt na ito ng komite.
Bago katigan ang mosyon, nagtanong muna si Estrada sa mga kinasangkutang gulo ni Alabata kung saan siya rin ang itinuturong gunman sa ibang mga kaso ng pamamaril at pagpatay sa Negros Oriental na ang umano’y nag-utos ay si suspended Cong. Arnolfo Teves Jr.
Isa na rito ang insidente noong March 2021 kung saan may assassination attempt si Alabata sa dalawang may-ari ng restaurant sa Dumaguete na gustong kunin umano ni Teves.
Sa pagtatanong ni Estrada ay patuloy na iginigiit ni Alabata na wala siyang maalala sa mga nangyari sa insidente.
Dahil sa natamong head injury ay mistulang nagka-amnesia si Alabata.
Hindi niya alam kung sino ang nagpyansa sa kanya ng ₱120,000 noong siya ay nakulong sa tangkang pagpatay sa dalawang negosyante, hindi rin niya nalalaman kung bakit gumamit siya ng ibang identity sa pangalan na Alfonso Tan, at hindi rin nito direktang masagot kung bakit may baril siyang dala noong nangyari ang insidente.
Dahil lahat ng ito ay itinatanggi at hindi maalala ni Alabata, naubusan na ng pasensya ang komite at tuluyang inaprubahan ang mosyon na ipa-cite in contempt ang sinasabing gunman sa pagpaslang kay Gov. Degamo.
Hindi nakapagpigil si Public Order Chairman Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa, at sinabi nito kay Alabata na dahil sa kanyang pagsisinungaling ay idinadamay nito ang mga matitinong pulis at sa pagsisinungaling nito sa komite ay sobrang nakakahiya na ito sa buong institusyon ng PNP.