Isa sa mga biktima na Inararo ng Sasakyan sa Cauayan City, Isabela, Nakatakdang Operahan sa Ulo!

*Cauayan City, Isabela- *Nakatakdang operahan ngayong araw, Agosto 25, 2018 ang ulo ng isang biktima na kabilang sa mga anim na sugatan sa naganap na rambulan na nauwi sa sagasaan kahapon ng madaling araw sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Officer Esem Galiza, ang Police Community Relations Officer ng PNP Cauayan City, sasailalim umano sa operasyon sa ulo si Robie Sinnott, bente anyos dahil sa kritikal nitong natamo.

Kaugnay nito ay nagtamo rin ng malalalim na sugat ang limang kasama nito na ngayon ay kasalukuyan nang nagpapagaling sa pagamutan habang nasawi naman ang isa pa nilang kasama na si Jake Anthony Macadangdang matapos silang araruhin ng sasakyan ng dalawang suspek na sina Aaron Christian Reyes at Hugiebert Moico na pawang mga residente ng Aurora, Isabela.


Matatandaan na unang nagkaalitan at nagrambulan ang dalawang grupo sa isang lugawan at umiwas umano ang grupo ng nasawing si Macadangdang subalit sinundan pa rin umano sila ng mga suspek hanggang sa inararo na umano nila ang mga nakamotorsiklong biktima.

Samantala, Nakatakdang isampa ngayong araw ng PNP Cauayan City ang patung-patong na kaso gaya ng kasong Murder, Frustrated Murder at Damage to Properties laban kina Aaron Christian Reyes at Hugiebert Moico.

Facebook Comments