Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Lieutenant General Camilo Cascolan na magaling na at nakalabas na sa Asian Hospital si Major General Mariel Magaway matapos ang mahigit na dalawang buwang pagkakaratay sa ospital.
Ito ay matapos na nagtamo ng malalang sugat sa katawan nang bumagsak ang kanilang sinasakyang PNP helicopter nitong Marso sa San Pedro, Laguna kasama sina PNP Chief Archie Francisco Gamboa, PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, dating Police Director for Comptrollership Major General Victor Ramos at mga aide ng mga heneral.
Ayon kay Cascolan, nakakalakad at nakakapagsalita na ulit si Major General Magaway at kinakailangan na lang ng dalawang linggong therapy para bumalik na ulit ang sigla nito.
Pero malungkot naman na balita, dahil sa ngayon, ayon kay Cascolan, nanatiling coma ang kondisyon ni Major General Victor Ramos na nagtamo rin ng malalang sugat sa pagbagsak ng PNP helicopter.
Nananawagan pa rin ng panalangin ang PNP para sa tuluyang paggaling ni General Ramos.
Sa pagbagsak ng helicopter, bahagya lamang nasugatan sina PNP Chief Gamboa at PNP Spokesperson Brigadier General Banac na matagal ng nakabalik sa kanilang mga trabaho.