Isa sa mga nakawalang ostrich sa QC, namatay umano dahil sa stress

Namatay na ang isa sa mga ostrich na nakawala sa isang pribadong subdivision sa Quezon City dulot umano ng stress, ayon sa Department of Environment and Natural Resorces (DENR) nitong Sabado.

Sa isang ulat, sinabi ni DENR Usec. Benny Antiporda na patuloy pang ibineberipika ng kagawaran ang totoong dahilan ng pagpanaw ng naturang hayop.

Dagdag ng opisyal, ipinatawag nila ang may-ari ng mga ostrich na kinilalang si Jonathan Cruz upang pagpaliwanagin hinggil sa insidente. Aalamin din ng ahensiya kung saan inilibing ang hayop.


Lumabas sa paunang imbestigasyon na walang kaukulang dokumento ang may-ari para mag-alaga ng nasabing endangered specie.

Nakalagay din sa ipinakitang travel permit ni Cruz na nagmula ang ostrich sa probinsiya ng Misamis at dadalhin dapat sa Nueva Ecija.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng Wildlife Rescue Center sa lungsod ng Quezon ang isa pang nakatakbong ostrich.

Tiniyak naman ni Antiporda na papanagutin nila ang sinumang mapapatunayang nagkaroon ng pagkukulang o kapabayaan.

Martes noong nakaraang linggo nang mag-viral sa social media ang dalawang ostrich na animo’y nagjo-jogging o naglilibot sa loob ng Mapayapa Village 3. 

Facebook Comments