Cauayan City, Isabela – Nakitaan ng sintomas ng COVID 19 ang isa sa mga estudyanteng lulan ng limang bus na dumating kaninang umaga mula UPLB.
Ang estudyanteng hindi pa pinangalanan ay unang sinuri sa Southern Isabela Medical Center at nasa quarantine facility ng LGU Echague.
Maliban sa kanya, naging maayos ang lagay ng kanyang mga kasamahan. Bilang pagsunod sa protocol, ang tatlong bus na mga estudyante ay dinala sa Echague District Hospital samantalang tig isang bus ang dumiretso sa lungsod ng Ilagan at Santiago.
Ayon sa chancellor ng UPLB na contact person ng Isabela Action Center na nakabase sa NCR depressed na ang mga estudyante at masyado nang nag-aalala kaya pinayagan na silang makauwi.
Bago ang pagsundo, dalawang beses nang nagpadala ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga ito.
Ang mga estudyante ay sinundo bilang bahagi ng Balik Probinsiya program ng lokal na pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Ayon kay Atty. Elizabeth Cureg Binag, tagapagsalita ng Provincial Government, binibisita nila ang mga quarantine facilities sa ibat ibang LGU’s ng lalawigan para matiyak ang kahandaan ng mga ito dahil inaasahan nilang dadami pa ang mga magsisiuwiang mamamayan ng Isabela mula sa ibat ibang lugar.
Sa ngayon ayon pa kay Atty. Binag, sapat at wala silang nakikitang problema sa mga quarantine facilities.
Ang mga uuwi dito sa Isabela ay sasailalim sa mandatory quarantine.
Kinakailangang ma quarantine ng 14-days ang mga galing sa lugar na nasa GCQ at 21 araw naman ang mga magmumula sa lugar na nasa ilalim pa rin ng ECQ.