Sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation Detection Group – Manila ang bahay ng isa sa tinaguriang most wanted, dahil sa kaso nitong pagpatay ng isang babae noong isang taon.
Ayon kay P /Chief Insp. Leandro Gutierrez hepe ng CIDG Manila ang operasyon ay bunsod narin ng oplan pagtugis at Oplan Salikop ng PNP, at sa bisa ng ipinalabas na Warrant of Arrest ni Judge Francisco Felizminio ng Malolos Bulacan RTC Branch 19.
Hindi na nagawang manlaban ng suspek na si Jose Abraham Jr; 47 , miembro ng Batang City Jail nang siyay arestuhin ng CIDG Manila sa kanyang bahay sa Bagombong , Sampaloc, Caloocan City.
Base sa record ng hukuman, nahaharap sa kasong Murder si Abraham alyas Indoy, matapos barilin sa mukha ang biktimang si Alicia Quiros , na kanyang kapitbahay.
Halos mabura ang mukha ng biktima , sa tindi ng tama ng bala ng sumpak na ginamit ni Abraham, matapos umanong makipagtalo ng suspek dahil sa ingay ng videoke sa Compound ng biktima.
Nanawagan naman si Chief Inspector Gutierrez, sa pamillya ng biktima, na agad na magtungo sa CIDG Manila dito sa MPD Headquarters upang positibong kilalanin ang suspek.