Cauayan City, Isabela- Ipinapabatid ng Pamahalaang panlalawigan ng Isabela na balik na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang status ng buong probinsya simula January 1 hanggang 31, 2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer ng Isabela, inaprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ni Governor Rodito Albano III na ilagay sa MGCQ ang status ng Isabela.
Matatandaan na unang isinailalim sa MGCQ ang probinsya ng Isabela ngunit nailagay sa General Community Quarantine noong December 15 hanggang December 31, 2020 dahil sa paglobo ng mga kaso ng COVID-19 ng Lalawigan.
Ibinahagi rin ni Atty. Binag na inalis na ang Liquor ban sa probinsya simula pa noong December 30, 2020 subalit mahigpit na ipinapaalala sa publiko na huwag uminom sa publiko.
Samantala, inindorso na ni Gov. Albano sa LTFRB ang dalawang bus company na papayagang muling bumiyahe gaya ng Victory Liner at Five Star company.
Sakaling payagan na bumiyahe ang dalawang bus company ay mahigpit pa rin na ipatutupad ang health and safety protocols sa mga pasahero.