*Cauayan City, Isabela- *Sinuspinde na ngayong hapon (August 27, 2019) hanggang bukas (August 28, 2019) ang lahat ng pasok sa paaralan sa lahat ng antas dahil sa bagyong “Jenny”.
Kaninang tanghali ay nagpalabas na ng kautusan si Isabela Governor Rodito Albano III na nag-aatas sa lahat ng mga pinuno ng pampubliko at pribadong paaralan sa Lalawigan ng Isabela na kanselahin ang klase upang hindi malagay sa kapahamakan ang mga mag-aaral dulot ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan sa probinsya.
Ngayong hapon ay pinangunahan ng Gobernador ang pagpupulong ng Provincial Disaster Risk and Reduction Council (PDRRMC) upang talakayin ang mga gagawing paghahanda kaugnay sa maaaring epekto ng bagyo sa Lalawigan ng Isabela.
Naglabas na rin ng Memorandum no.23 ang punong Lalawigan at inaatasan ang lahat ng mga punong bayan na gumawa ng hakbang upang maging ligtas ang lahat ng mamamayan at ipatupad ng mahigpit ang Liquor ban sa kanilang nasasakupan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Kaugnay nito, inalerto na ng PDRRMO Officer ng Lalawigan ang lahat ng mga Rescue Unit na ihanda ang kanilang mga kagamitan para sa posibleng pagresponde kung kinakailangan.
Inatasan din ng Gobernador ang mga alkalde na magsagawa ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan sa kani-kanilang lugar.