ISABELA, MULING PINARANGALAN NG SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE

Cauayan City – Muling iginawad sa Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang prestihiyosong Seal of Good Local Governance (SGLG) para sa ikawalong sunod na taon.

Ang parangal ay ibinigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isang seremonya na ginanap sa The Tent City ng Manila Hotel.

Personal na inabot ni DILG Secretary Juanito Victor Remulla ang parangal kay Isabela Vice Governor Faustino G. Dy III, kasama si Provincial Administrator Atty. Noel Manuel R. Lopez.


Simula pa noong 2015, nananatiling SGLG awardee ang Isabela, na muling kinilala para sa kanilang matatag na pagpapatupad ng dekalidad na mga programa at mataas na pamantayan ng pananagutan sa publiko.

Pinarangalan din ang lungsod ng Cauayan, Ilagan, at Santiago, kasama ang 27 sa 34 na munisipalidad ng probinsya, na nagpapakita ng malawakang dedikasyon ng buong Isabela sa mahusay na pamamahala.

Sa kabuuan, 714 Local Government Units (LGUs) ang kinilala ng DILG ngayong taon—ang pinakamataas na bilang ng mga awardees sa kasaysayan ng SGLG.

Kabilang dito ang 41 lalawigan, 96 lungsod, at 577 munisipalidad mula sa 1,715 LGUs na sinuri.

Facebook Comments