Isabela PDRRMC, Naghahanda na sa Pagdating ng Bagyong Ambo!

*Cauayan City, Isabela*- Pinaghahandaan na ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang pagdating ng bagyong Ambo partikular sa Southern at South Westhern part ng probinsya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret. Brig. Gen Jimmy Rivera, bagong pinuno ng Isabela PDRRMO, nagpulong-pulong na aniya ang mga miyembro ng Executive Committee ng PDRRMC para sa mga gagawing paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong ‘Ambo’ sa Lalawigan.

Bilang bagong pinuno aniya ng PDRRMO, kanyang sinabi na lalo pa nitong paiigtingin ang mga dati nang ginagawa ng mga rescuers.


Pinapayuhan naman ang mga nasa barangay na makipagtulungan na rin sa ISELCO sa pamamagitan ng pagputol sa mga sanga ng punong kahoy na nakasagabal sa mga kawad ng kuryente lalo na sa mga nasa pambansang lansangan.

Ang probinsya ng Isabela ay nasa ilalim na ng signal no.1 at inaasahang makakaranas ng malakas na pag-ulan at hangin dulot ng bagyong Ambo.

Kaugnay nito, mahigpit nang ipinagbabawal ang paglayag sa mga karagatan ng mga nasa coastal towns at lalo pang pinaigting ang pagpapatupad ng liqour ban sa Lalawigan kung saan ay mas malaki na ang ipapataw na multa sa sinumang mahuhuli na bumibili, umiinom at nagbebenta ng nakalalasing na inumin.

Ayon pa kay Ret. Bgen. Rivera, inatasan na ni Isabela Governor Rodito Albano III ang DSWDO na maghanda ng 40,000 relief packs at anumang oras ay dadalhin na sa mga lugar na madadaanan ng naturang bagyo.

Paalala naman ng naturang opisyal na paghandaan ang posibleng magiging epekto ng bagyong Ambo sa ating Lalawigan, maghanda o mag-imbak ng mga pagkain sa loob ng 2 hanggang 3 araw, siguraduhing nakapag charge ng cellphone o anumang kakailanganin sa panahon ng kalamidad, dapat ay may nakahandang emergency light at importante din aniya na alam ang hotline number ng PNP at ng MDRRMO o CDRRMO.

Samantala, irerekomenda ni ret. BGen Rivera kay Gobernador Albano na magdadagdag ito ng isang (1) team para tutulong sa pag-asikaso sa pagdating ng mga OFW, estudyante at ilan pang mga na-stranded sa iba’t-ibang lugar sa bansa na uuwi sa Isabela.

Facebook Comments