*Cauayan City, Isabela*- Tatalakayin sa kamara sa darating na martes ang usapin sa franchise renewal ng giant network na ABS-CBN.
Ito ang kinumpirma ni 1st Isabela Rep. Antonio “Tonypet” Albano matapos ang kaliwa’t kanang argumento ng ilang kongresista at senador.
Ayon kay Albano, kinakailangang magsumite ng mga dokumento ang lahat ng tutol at pabor sa franchise renewal ng nasabing network.
Mahalaga aniya ang mga ihahaing mga dokumento sakaling kailanganin oras na magsimula ang pagdinig sa kamara at ipatawag ang mga kinatawan ng giant network.
Inatasan na rin ni House Speaker Alan Peter Cayetano at House Franchise Chairman Franz Alvarez ang National Telecommunication Commission na bigyan ng provisional authority ang network.
Biro pang sinabi ni Albano na mas takot sila sa viewers ng ‘Ang Probinsyano’ at hindi sa mismong management.
Titiyakin din aniya na masusing pag aaralan ang isyu ng franchise renewal ng network at isasaalang-alang din ang katayuan ng mga empleyado.
Si Albano ang vice chairperson ng House Committee on Legislative Franchises na siyang may hawak sa aplikasyon sa franchise renewal ng ABS-CBN.