Tuguegarao City – Tumatalon sa tuwa ang mga delegado ng team Isabela sa pagkakasungkit ng Gold Medal sa naganap na tapatan sa paglangoy sa CAVRAA kahapon Pebrero 25, 2018.
Nanguna si Rogie Ann Belen sa paglangoy ng 50-meter butterfly stroke samantalang wagi naman sa 100 meter back stroke si Mariel Retuta na pawang mga kalahok mula sa elementary team.
Dagdag pa rito, nakuha naman ng manlalarong mula high school na si Analisa Marcos ang gold sa pakikipagtapatan sa free style swimming.
Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay Coach Bernabe Salas, naging makabuluhan umano ang ginawa nilang paghahanda at pagtutok sa kanilang mga pambato.
Aniya, sa pagsasanay palang ng mga bata ay ginawa na umano nila ang lahat ng hakbang at paraan upang mapraktis ng kanilang mga pambato ang mabilisang paglalangoy.
Ibinahagi pa ni Coach Salas na nakuha din ni Mariel Retura ang silver medal sa paligsahan sa 200-meter free style swimming.
Masaya namang natapos ang kompetisyon sa kabila ng mainit na tapatan sa pagitan ng mga naggagalingang kalahok mula sa iba’t ibang delegasyon.