Itinanghal bilang Top 2 finalists ng outstanding young entrepreneur si Carlo A. Castillo, may-ari ng C.E.’s Food Products at residente ng Alicia, Isabela.
Ang “No Waste” advocacy umano ng kanilang negosyo ang nagpanalo sa kanila mula sa iba pang kabataang entrepreneur sa bansa.
Halimbawa na lang nito ay imbes na itapon ang mga shell na ginamit nila sa paggawa ng gourmet tahong ay ginagawa nila itong ornaments.
Ang mga natira namang dahon ng spinach mula sa kanilang sikat na spinach tempura ay ginagawa rin nilang spinach chili garlic sauce upang di masayang.
Bukod sa kanilang no waste advocacy, isa ding dahilan ng kanilang nominasyon ay ang pagtanggap nila ng mga working students at pagtulong sa kanilang school fees kung saan ngayon ay may isa na silang full scholar na balak pa nila itong dagdagan sa susunod na taon.
Ang C.E.’s Kusina ay tumanggap din ng iba’t ibang programa ng DTI kabilang ang product development, marketing, at capacity-building na ayon kay Castillo ay nakatulong ng malaki sa kaniyang negosyo.
Ang Injap Sia Awards ay isa sa mga highlights ng Philippine Business Conference and Expo kada taon.
Ito ay ipinagkakaloob sa mga kabataang negosyante na nagpapakita ng mga natatanging talento at nag-aambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.