Manila, Philippines – Pinagdadampot kagabi ang 110 na katao sa ‘One Time, Big Time’ operation ng Pasay City Police.
Walumpu’t tatlo ang naaresto sa paglabag sa city ordinance, kabilang ang pakikipaginuman sa kalye, pag-ihi sa pampublikong lugar at mga walang damit pang itaas.
Dalawampu’t lima naman ang nahulihan ng droga, dalawa ang may mga armas at tatlo ang mga nadampot na may warrant of arrest.
Nalambat din sa operasyon si Jonathan Peñaflor na isa sa mga most wanted ng lungsod dahil sa kasong robbery.
Nagsimula ang operasyon alas nueve ng gabi kung saan sinuyod ng pulisya ang 200 barangay ng Pasay para malinis ang lungsod sa mga iligal na gawain.
Sinabi ni Supt. Deanry Francisco, Assistant Chief of Police for Operations ng Pasay City police na bahagi pa rin ito ng pinaigting na anti-criminality campaign nila sa lungsod.
Nasamsam sa operasyon ang walong sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre .38 na baril na may kasamang anim na bala, isang balisong at tatlong motorsilo na walang kaukulang mga dokumento.