Inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na isang alkalde sa Metro Manila ang hindi sumasang-ayon sa ipatutupad na “No Vaxx, No Labas” Policy.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Abalos na ang isang alkalde na ito ay hindi lumagda sa naturang MMDA resolution.
Hindi niya alam sa ngayon ang rason sa hindi paglagda ng alkalde dahil aniya naging paspasan ang pagpasa nila ng resolusyon bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 partikular na sa kalakhang Maynila.
Sa inilabas na resolusyon, tanging si Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang walang lagda.
Nakasaad sa resolusyon na bawal lumabas ng tahanan ang mga hindi pa bakunado maliban na lamang kung sila ay bibili ng essential goods.
Bawal din sila sa indoor at outdoor/al fresco dining, hindi rin makakapasok sa hotels, malls, hindi rin papayagang sumakay ng pampublikong transportasyon at kung papasok sa trabaho kinakailangan nitong magpresinta ng negative RT-PCR result sa kada dalawang linggo mula sa sarili nitong bulsa o hindi sagot ng pinapasukang kompanya.