Isang aso, nabigyan ng pagkakataon para maging isang barangay frontliner sa Lungsod ng Maynila

Kinagigiliwan at hinangaan ngayon ng mga netizen ang isang aso na kauna-unahang animal frontliner sa Lungsod ng Maynila.

Ang asong si Chi-chi ay napagkalooban ng Barangay Dog Frontliner ID ng Barangay 379 sa Sta. Cruz, Maynila dahil sa kanyang walang pagod na pag-ikot sa nasasakupan ng barangay at hilig sa pagsakay sa Barangay Patrol.

Ayon sa kanyang amo na si Jake Ryan Ramos, nakakatulong si Chi-chi sa pagroronda ng mga tanod mula umaga hanggang gabi.


Sinasabing natutuwa ang mga residente at mga opisyal ng barangay dahil nakakawala ng stress kapag nakakasama nila si Chi-chi lalo na ngayong may banta ng COVID-19 sa bansa.

Nabatid na kaya binigyan ng I.D. si Chi-chi ay para hindi daw ito ma-impound ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila kapag sumasama sa pag-iikot ng mga tauhan ng barangay.

Facebook Comments