Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Australian-American national na wanted sa US bilang sex offender matapos magtangkang makalusot sa NAIA Terminal 1.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang dayuhan na si Robert David Fenton, 54 anyos.
Saad ni Tansingco, dumating ito sa bansa noong April 14 mula sa Brisbane, Australia at agad ring nag-book ng flight papuntang Los Angeles matapos harangin at hindi papasukin sa NAIA Terminal 1 kahapon.
Agad itong binigyan ng exclusion order ng BI personnel on-duty at inilagay sa Immigration blacklist dahil sa pagiging undesirable alien.
Ayon kay BI-Interpol Unit acting Chief Jaime Bustamante, wanted si Fenton para sa prosecution sa US sa kasong aggravated indecent assault sa isang biktimang nasa edad 16 pababa.
Siya rin ay kinasuhan para sa mga kasong corruption of minors and indecent assault, involuntary deviate sexual intercourse, at statutory sexual assault sa isang biktimang wala pang 16 taong gulang.