Nagpaabot ng pasasalamat at pinuri ng isang ginang ang isang police trainee, makaraang tulungan siyang mailabas ang kanyang anak sa Pasay City.
Pinuri ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang extraordinary na gawaing ipinakita ng medical team ng Southern Police District (SPD) makaraang tulungan sa panganganak ang isang ginang sa gilid ng kalsada sa Jose W. Diokno Blvd. Pasay City.
Ayon kay NCRPO acting Region Director PBGen. Jonnel Estomo, nagsasagawa umano ng police visibility ang mga police trainees mula sa SPD-Medical and Dental Unit bilang bahagi ng S.A.F.E NCRPO Program nang mapansin nila ang ginang sa gilid ng kalsada sa J.W. Diokno Blvd.
Dahil dito tumigil ang mga pulis at hindi na nagdalawang isip na tumulong sa ginang na hindi na umabot sa ospital para manganak.
Ibinida ni Estomo, ang patuloy na tagumpay ng kanilang programang S.A.F.E NCRPO kung saan ang mga pulis ay naka-deploy sa mga kalsada upang magbigay ng mas mabilis na responde sa mga katulad na hindi inaasahang pangyayari.