Nagpasya ang barangay council ng Barangay Corazon De Jesus San Juan City na magpasa ng bagong resolusyon tungkol sa karagdagang oras ng curfew dahil na rin sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Napagkasunduan ng barangay council sa kanilang resolusyon na simula ngayong May 26, 2020, ipapatupad na ang karagdagang curfew hours, mula alas-11:00 ng tanghali hanggang alas-4:00 ng hapon.
Paliwanag ng barangay council na simula alas-5:01 ng umaga hanggang alas-10:59 ng umaga ay sapat na oras na ibibigay para lumabas at bumili ng mga pangangailangan, hindi para makipag-chismisan sa kani-kanilang mga kapitbahay habang ang alas-11:00 ng tanghali hanggang alas-4:00 ng hapon sa barangay ay may batas na bawal lumabas sa kanilang mga tahanan.
Dagdag pa ng mga barangay opisyal na simula alas-4:01 ng hapon hanggang alas-7:59 ng gabi ay sapat na oras din para bumili ng panghapunan o ng iba pang pangangailangan habang alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga ay curfew hours na patuloy na pinapatupad sa buong San Juan City.
Sa mga mayroong trabaho ay kinakailangan na magpakita lamang ng mga patunay na sila ay papasok o galing sa trabaho.
Sa mga may tindahan naman ay dapat sarado na sa oras ng curfew, umaga at gabi, at sa mga magde-deliver dapat paki-sabihan ang mga courier na mag-deliver lamang sa oras na pwede silang lumabas.
Kapag inabutan naman ng curfew hours dahil sa pila sa mga pamilihan dapat ay ipakita lamang ang resibo sa madadaanang checkpoint ng barangay.