Sa kauna-unahang panahon at sa kasaysayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay isang batalyon ng Philippine Marine Corps ang ipinakat sa Lalawigan ng Cagayan para wakasan na ang insurhensiya dito.
Ito ang pahayag ni LtGen. Emmanuel Salamat, Commanding General ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ng AFP sa kanyang talumpati nang kaniyang pangunahan ang pagsalubong sa pagdaong ng Marine Batallion Landing Team 8 (MLTB8) sa Port Irene, Sta. Ana, Cagayan nitong nagdaang araw ng Biyernes, Pebrero-16, 2018.
Sa impormasyong mula sa Cagayan Information Office at sa pakikipag-ugnayan ng RMN News kay Information Officer Rogelio Sending, agarang inatasan ni LtGen Salamat ang mga marino na simulan na ang pagpapalaya sa Cagayan mula sa impluwensiya ng mga kumunista na matagal na aniyang nagpapahirap sa mamamayan.
Bilang dati aniyang commandant ng Philippine Marine Corps ay nakikita nito ang kahalagahan na maitalaga ang MBLT8 sa Cagayan para masiguro ang kapayapaan, seguridad at kaunlaran ng probinsiya.
Binigyang diin pa ng heneral na ang Cagayan ang isa sa dalawang lalawigan sa Pilipinas na hindi pa rin nawawala ang presensiya ng rebeldeng komunista.
Pinunto rin ni LtGen Salamat na ang isang dahilan ng pagkakatalaga ng MBLT8 sa Cagayan ay upang mapalakas ang lokal na pamamahala sa lahat ng munisipyo sa lalawigan.
Nakikita ng pinuno ng NOLCOM na may makabuluhang papel ang MBLT8 na tulungan ang mga local government units para maipatupad ang kanilang pangunahing tungkulin na magserbisyo sa mga mamamayan.
Samantala, nagpasalamat din ang pinuno ng NOLCOM sa mahigpit na suporta ni Gobernador Manuel Mamba sa kampanya kontra insurhensiya at tiniyak niya sa gobernador na kapanalig nito ang mga sundalong marino ng MBLT8 para mapalaya ang Cagayan.
Ang MBLT8 ay binubuo ng higit 400-bilang ng sundalong marino na may mga malalakas na kagamitang pandigma.
Mula sa kanilang kampo sa Tawi-Tawi sa Mindanao ay naglayag ng apat na araw ang MBLT8 sakay ng kanilang barkong pandigma hanggang sa dumaong sa Port Irene noong Pebrero 16, 2018