Panghimagas – Isang taong gulang na babae ang laging nakatayo ang buhok sa Melbourne, Australia.
Si Shilah Yin kasi ay may “uncombable hair syndrome” na isang kondisyon kung saan tumutubo sa iba’t ibang direksyon ang buhok at nanatili ring nakatayo kaya hindi ito masuklay-suklay nang maayos.
Ipinanganak siyang may normal na buhok pero nang mag-tatlong buwang gulang ay napansin na ng kanyang mga magulang ang kakaibang pagtubo ng kanyang blonde na buhok.
Ayon sa National Institute of Health ng Estados Unidos, madalas nagkakaroon ng uncombable hair syndrome ang mga bata lalo na yung may mga kulay silver o blonde na buhok at madalas din itong namamana.
Walang gamot sa kondisyon ni Shilah pero madalas ay nawawala rin ang mga sintomas nito at nagiging normal na ang pagtubo ng buhok habang lumalaki na ang bata.