ISANG BATANG REBELDE, SUMUKO MATAPOS ANG MGA MAGKAKASUNOD NA ENKUWENTRO

Cauayan City, Isabela- Naglakas loob na sumuko sa pamahalaan ang isang menor de edad na katutubong rebelde matapos ang nangyaring magkakasunod na engkwentro sa probinsya ng Apayao.

Kinilala ang nagbalik-loob na si Alyas James, 17 taong gulang, residente sa bayan ng Sto Niño, at miyembro ng Squad Dos ng West Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley ng teroristang CPP-NPA.

Ibinahagi ni Alyas James ang kanyang mga hirap, pagod at gutom na dinanas mula nang siya ay sapilitang pinasampa ng mga rebeldeng CPP-NPA sa armadong kilusan.


Aniya, ilang beses na niyang tinanggihan ang mga rebeldeng CPP-NPA na umanib sa kanilang kilusan ngunit noong buwan ng Disyembre, 2020, pinakiusapan siya ng mga rebeldeng CPP-NPA na tulungan silang dalhin ang mga pagkain sa bundok kung saan naroroon ang kanilang mga kasamahan.

Sumunod naman si Alyas James na isa umano niyang pagkakamali dahil nakarating sila sa kabundukang bahagi ng Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan at hindi na siya pinabalik pa ng mga rebelde.

Maswerte lamang umano siya dahil nakahanap ng pagkakataon na makatakas sa mga NPA dahil hindi siya pinapayagang makabalik sa kanyang pamilya.

Sinabi naman ni Mayor Rodolfo Juan, ng Flora, Apayao na handang tumulong ang kanilang lokal na pamahalaan sa mga magbabalik-loob sa pamahalaan upang makapagsimula sila muli ng kanilang maayos na pamumuhay malayo sa impluwensya ng mga teroristang CPP-NPA.

Habang nagpapasalamat naman si BGen Steve D Crespillo PA, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade, sa ginawang desisyon ni Alyas James dahil isang magandang regalo para sa kanyang ina ang pagbabalik ng anak na matagal nang nawalay.

Hinikayat rin ng opsiyal ang mga natitira pang miyembro ng rebeldeng grupo na gayahin ang ginawang hakbang ni Alyas James upang makasama na ang pamilya.

Matatandaan na nagkaroon ng dalawang magkasunod na engkwentro sa pagitan ng tropa ng 17th Infantry Battalion at ng rebeldeng CPP-NPA ang nangyari sa Barangay Mallig at Sitio Tawini, Barangay Upper Atok, sa nasabing bayan noong ika-14 ng Marso taong kasalukuyan.

Habang noong ika-17 ng kaparehong buwan, sumiklab din ang engkwentro sa Sitio Bulo, Barangay Aurora, Pudtol, Apayao.

Facebook Comments