iFM Laoag – Nagluluksa ang pamilya ng biktima ng COVID-19 na namatay ngayong araw sa Ilocos Norte na kinilala bilang si IN-C812.
Ang nasabing biktima ay 38 taong gulang, tubo ng Barangay Bubuos sa Bayan ng Solsona, Ilocos Norte.
Ayon sa lokal na pamahalaan, naitakbo sa hospital kamakailan ang biktima dahil may dinaramdam itong sakit sa katawan. Lumabas naman sa post-mortem examination ng nasabing biktima na namatay ito sa komplikasyon dahil sa dating sakit nito na asthma at hypertension.
Agad namang inayos ng lokal na gobyerno sa pakikipag-ugnayan sa kanilang Rural Health Unit ang libing ng nasabing biktima.
Nananawagan naman ang alkalde na si Mayor Joseph De Lara sa mga kababayan niya na ugaliin ang paggamit ng facemasks, faceshield lalong-lalo na ang pag-iwas sa mga pagtitipon dahil umabot na sa higit limampu ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Nagdadalamhati naman ang buong probinsya sa nasabing balita. Sa ngayon umabot na sa 168 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan at lima na sa mga biktima ang namatay.
Ang biglaang paglobo ng bilang sa Ilocos Norte ay buhat narin sa pagpapaluwag kamakailan ng guidelines sa lalawigan.
– Bernard Ver, RMN News