Isang bilyong pisong halaga ng COVID-19 risk allowance para sa mga health workers, hindi pa rin napopondohan ayon sa DOH

Nananatiling walang pondo ang isang bilyong pisong halaga ng COVID-19 Special Risk Allowance (SRA) para sa mga healthcare workers, dalawang taon matapos tamaan ang Pilipinas ng COVID-19.

Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire kasunod ng pagdinig ng House Committee on Appropriations hinggil sa 301 bilyong pisong pondo ng kagawaran para sa taong 2023.

Ayon kay Vergeire, hindi pa rin napopondohan ang SRA para sa 55,844 na healthcare workers na nagkakahalaga ng isang bilyong piso.


Dagdag pa nito, patuloy pa rin nila itong pinag-uusapan ng Department of Budget and Management (DBM).

Sagot naman ni DBM Director Sofia Abad, ine-evaluate pa rin nila ang hiling ng DOH kaugnay SRA para sa mga healthcare workers.

Ayon kay Abad, humiling sila ng karagdagang requirements sa kagawaran at naisumite nila ito noong September 6 lamang.

Siniguro naman ng opisyal na may mapagkukuhanan ng pondo para rito at magiging sapat upang matugunan ito.

Tinatayang nasa 400 healthcare workers ang nasawi bunsod ng COVID-19 simula nang sumiklab ang pandemya noong March 2020.

Facebook Comments