Isang buwan na pagpapalawig ng voter registration, lusot na sa ikalawang pagbasa sa Senado

Lumusot na sa ikalawang pagbasa sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang Senate Bill No. 2408 o An Act Extending the Registration of Voters for the 2022 National and Local Elections.

Layunin ng naturang panukalang batas na magkaroon pa ng isang buwan na pagpapalawig ng voter registration na ang deadline ay sa September 30.

Nais ng mga senador na palawigin pa ng Commission on Election (COMELEC) hanggang October 31 ang voter registration ng mga bagong botante at mga nais na ipa-reactivate ang kanilang rehistro na mga hindi nakaboto ng dalawang beses.


Naghain din ng kahalintulad na panukala ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na kaparehas ng Senado na hinihikayat ang COMELEC na palawigin pa ng isang buwan ang voter registration.

Bukod kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, 22 senador din ang kabilang sa may-akda ng naturang panukala.

Paliwanag ni Zubiri, dahil sa pandemya at pagpapatupad ng mga lockdown, limang buwan na sinuspinde ang pagpaparehistro ng mga botante kaya dagsa ngayon ang mga nagpaparehistro sa bansa na kulang ang oras para ang target na botante ay makapagparehistro.

Dagdag pa ni Zubiri, may mga kababayan na pito hanggang walong oras na pumipila dahil sa dami ng nagpaparehistro tapos aabutin ng cut-off kaya umuuwi na lamang ng kanilang mga bahay.

Aniya, pagbalik kinabukasan ay nagkakaroon naman ng quota at aabutin ng cut-off kaya marami ang hindi nakakapagparehistro.

Base sa tala mismo ng COMELEC at Philippine Statistics Authority (PSA), umaabot pa sa 12 milyon ang hindi pa nakakapagrehistro.

Ayon pa kay Zubiri, nakasaad sa datos ng COMELEC, nitong buwan ng August ay 61 milyong Pilipino ang nakapagrehistro.

Base naman sa PSA, kulang ito ng 12 milyong botante para sa target na 73.3 milyong botante sa 2022 election.

Giit ni Zubiri, karapatan ng bawat Pilipino na bumoto at makibahagi sa demokrasya kung kaya’t bigyan sila ng sapat na oras at panahon para makapagparehistro.

Facebook Comments