Isang consultant, arestado sa entrapment operation sa Pasig City

Inaresto ng mga operatiba ng Pasig City Police Station ang isang lalaking consultant sa isinagawang entrapment operation pagkatapos na masangkot sa estafa sa pamamagitan ng pagpanggap na laison officer ng Bureau of Immigration (BI) na naaresto sa loob ng isang fast food chain sa M. Concepcion Ave., San Joaquin, Pasig City.

Kinilala ang suspek na si Mark Allen Rivera 36 anyos, consultant at residente ng Block 92 Lot 36 Adela Street, Rizal, Makati City habang ang biktima ay nakilalang si Josephine Cruz, 41 anyos, walang trabaho at residente ng Brgy. Sumilang, Pasig City.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Pasig Philippine National Police, nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng Pasig Police makaraang ireklamo ng estafa ang nasabing suspek.


Ikinuwento ng biktima na nito lamang October 2021, nakilala niya si Rivera sa pamamagitan ng kanyang pinsan na si Adrian at mula doon ay nagpakilala na ang suspek sa biktima bilang consultant ng travel recruitment agency at liason officer ng BI na otorisado umanong maglakad ng tourist visa para sa kanya patungong Africa.

Nangako umano ang suspek na makakaalis ang biktima patungong Africa kapalit ang ₱327,000 na bayad para sa mga dokumento pero nang pumunta na sa airport ang biktima para sa schedule ng kanyang flight papuntang Africa, hindi na nagpakita ang suspek at kanilang tiningnan ang record nito sa BI, kanilang natuklasan na wala itong naka-schedule na flight.

Agad na kinompronta ng biktima ang suspek at nangako muli na ipoproseso nito ang visa ng biktima na hindi nito nalakad at humingi na naman ng pera sa halagang ₱10,000 para umano mailabas na ang mga kaukulang dokumento.

Nagduda na ang biktima kaya’t agad ng nagreklamo sa himpilan ng pulisya at ikinasa ang entrapment operation na naging dahilan sa pagkakaaresto sa suspek.

Facebook Comments