CAUAYAN CITY – Boluntaryong sumuko sa awtoridad ang isang lalaki na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang lalaki bilang si alyas “Pepito”, 59-anyos, isang maglalako, kung saan ay ipinahayag niya na naging kasapi siya ng teroristang grupo noong 1986 bilang messenger, and courier ng mga pagkain.
Aniya, ipinakilala din umano siya sa Yunit Guerilla (YG), isang underground movement na nag-ooperate sa lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya.
Dagdag pa niya, sumailalim din siya sa Batayang Maikling Kursong Pampolitiko Militar (BMKPM) bilang isang armed combatant kung saan ay nakikilahok siya sa military operations at patrols.
Sa ilang taong pagiging miyembro ng CTG ay muling pinili ni alyas “Pepito” ang pagkakaroon ng mapayapa at tahimik na pamumuhay.
Ito ay resulta ng patuloy na kampanya ng kapulisan at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict laban sa terorismo sa ilalim ng Executive Order No. 70.