Isang dating opisyal ng DBM, inaming hindi standard procedure ang pag-deliver ng Pharmally ng 500,000 surgical masks kahit walang purchase order

Aminado ang isang dating opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi isang standard procedure ang ginawang pag-deliver ng Pharmally Pharmaceutical Corporation ng 500,000 surgical masks sa pamahalaan.

Sa pagdinig ng Senado, kinuwestiyon si dating DBM-Procurement Service (PS-DBM) Inspection Division Officer-in-Charge Jorge Mendoza kung normal na mag-deliver sila kahit wala pang ibinibigay na purchase order.

Partikular na tinukoy dito ng mga senador ang pagbili ng 500,000 face masks noong Marso 25, 2020 kahit na Abril na inilabas ang purchase order nito.


Bago niyan, sinabi ni Pharmally Executive Krizle Grace Mago na nakatanggap sila ng request for quotation para sa nasabing face masks noong Marso 25, at agad nilang idineliver sa kaparehong araw.

Samantala, hiniling na ng Senate Blue Ribbon Committee sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na inspeksiyunin ang bank record ng Pharmally habang ipinalalagay rin si Michael Yang sa watch list order ng Bureau of Immigration (BI).

Facebook Comments