Patay matapos manlaban sa mga pulis ang isang dating pulis at dalawa nitong kasamahan sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Brgy. Behia, Tiaong, Quezon kaninang madaling araw.
Kinilala ni PNP-AKG Director Police Brigadier General Jonnel Estomo ang mga napatay na suspek si dating Patrolman Rico Moog Gutierrez at Jose Pitarque Alcaria habang ang pangatlong suspek ay hindi pa nakikilala.
Magsisilbi sana ng search warrant ang mga tauhan ng AKG sa bahay ni Patrolman Gutierrez nang bigla silang paputukan ng mga suspek na nagtagal ng labinlimang minutong palitan na putok na ikinasawi ng tatlong suspek.
Sa imbestigasyon si Patrol Gutierrez ay dating nakatalaga sa Quezon PPO bilang intelligence operative at na-reassign sa PRO BAR bago ito mag-AWOL kaya nadismiss sa serbisyo.
Kinakanlong umano ni Gutierrez ang kanyang tiyuhin na si Jaime Moog na kabilang sa National Most Wanted na may patong na ₱500,000 para sa kasong kidnapping for ransom.
Wala si Moog sa lugar nang maganap ang engkwentro.
Nakuha sa bahay ni Gutierrez ang iba’t ibang klase ng matataas na kalibre ng armas, 100 gramo ng shabu at mga drug paraphernalia.
Narekober naman sa bahay ni Jose Alcaria ang isang cal .45 pistol at isang cal .38 revolver.