Manila, Philippines – Arestado ang isang Australian national na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga at ilang taon nang nagtatago sa Pilipinas.
Kinilala ang suspek na si Markis Scott Turner alyas Filip Novak.
Ayon kay NBI Director Dante Gierran, nakipag-ugnayan ang pamahalaan ng Australia sa Department of Justice upang maipatupad ang provisional arrest ni Turner, sa bisa na rin ng Treaty of Extradition sa pagitan ng dalawang bansa.
Napag-alaman ng NBI na mula 2009 hanggang 2011, nakapag-import si Turner sa tulong ng Colombian nationals ng aabot sa 71.6 kilograms ng cocaine na ibebenta sana sa Australia.
Ikinubli ng suspek ang mga ilegal na droga sa mga drum ng hydraulic oil ng kanyang kompanyang CQE Materials and Handling.
Mula August 2015, nagtago si Turner sa Island Garden City sa Samal, Davao kung saan din siya naaresto ng mga otoridad.