Isang dayuhan, nailigtas ng PNP at DILG mula sa kanyang mga kidnapper

Nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang dayuhang biktima ng kidnapping.

Ayon sa PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), dumating sa bansa ang biktimang si Voon Pei Lim, 35 taong gulang at Malaysian national upang makipagkita sa kanyang boyfriend na nakilala nito sa isang dating app.

Sinundo ang biktima ng isang Chinese national mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at dinala sa Carmona, Cavite noong nakaraang Biyernes.


Dito nakatanggap ng ulat ang PNP-AKG mula sa employer ng biktima kung saan hindi umano pinapayagang lumabas ang biktima at nanghihingi pa ito ng 26,000 Malaysian Ringgit ₱300,000 kapalit ng kanyang kalayaan.

Agad namang nakipag-ugnayan ang PNP-AKG sa Aviation Security Unit upang matukoy ang sinakyan ng biktima mula airport na naging dahilan upang maaresto ang dalawang lalaking suspek na kinilalang sina Justine Alaraz, 28 at Chan Yong Howe, 29 na Malaysian national.

Ayon sa PNP, patuloy ang kanilang mga hakbangin upang masugpo ang kriminalidad sa bansa ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa ngayon, inihahanda na ang kasong kidnapping laban sa mga naarestong suspek.

Facebook Comments