Isang dayuhang eksperto, naglabas ng mga patunay na maaring gamitin ang Ivermectin sa COVID patients

May mga pag-aaral na nagpapatunay na nakatutulong ang Ivermectin para mapababa ang bilang ng mga namamatay sa COVID-19.

Ito ang iginiit ni Dr. Tess Lawrie, Director ng Evidence-based Medicine Consultancy na naka-base sa United Kingdom.

Sa isang webinar na pinangunahan ni dating Health Sec. Manolet Dayrit, inilabas ni Lawrie ang mga pag-aaral sa iba’t ibang bansa na nagpapakita sa benepisyo sa paggamit ng Ivermectin.


Ang mga pag-aaral na may mahigit 900 hanggang mahigit 1,000 na kalahok ay nagpakita ng pagbaba sa bilang ng namatay sa COVID-19 matapos makainom ng Ivermectin.

Sa katunayan, noong nakalipas na taon pa aniya pinayagan ng gobyerno ng Peru ang paggamit ng nasabing gamot para sa mamamayan nito.

Gayunman, tutol aniya ang World Health Organization sa paggamit ng Ivermectin at pinapayagan lamang sa mga clinical trial.

Sinabi pa ni Dr. Lawrie na base rin sa datos na nasa VigiAccess, isang web application na ginagamit ng WHO ukol sa mga serious adverse events, ipinakikita na mas mababa ang matinding side effects ng Ivermectin kumpara sa Remdesivir at mga bakuna kontra COVID-19.

Facebook Comments