Isang empleyado ng BIR, hinuli dahil sa extortion sa may-ari ng isang establisyemento sa Malabon City

Arestado ng mga pulis kasama si Bureau of Internal Revenue o BIR Commissioner Romeo Lumagui ang isang tauhan ng BIR sa isang entrapment operation habang nangingikil ng pera mula sa isang negosyante na nag-aasikaso ng dokumento sa BIR.

Nakakulong na ngayon ang hindi pa pinapangalanang suspek na lehitimomg empleyado ng BIR.

Ang joint operation ay pinangunahan ng BIR at Philippine National Police (PNP) matapos na makatanggap ng impormasyon ang tax agency na umano ay paulit-ulit na nanghihingi ng pera ang suspek sa isang establisyemento na nagtitinda ng bisekleta.


Sa imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na ginagamit ng suspek ang BIR tax compliance verification drive para sa kanyang tiwaling gawain.

Bukod dito ay hindi na rin saklaw ng trabaho ng suspek sa BIR ang magtungo sa anumang establisyemento.

Giit ni Lumagui, walang puwang sa BIR at hindi palalampasin ng kanyang liderato ang tiwaling gawain ng sinumang personnel o opisyal ng ahensya.

Bukod sa robbery extortion, kabilang din sa mga kasong kinakaharap ng suspek ay ang grave coercion and usurpation of official function and authority, mga paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at code of conduct and ethical standards for public officials and employees.

Facebook Comments